Tinapa vendor na tulak umano ng droga nahulihan ng P1.3-milyong halaga ng shabu

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 04:48 PM | Updated as of Sep 28 2019 07:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isang nagpakilalang tinapa vendor ang nakuhanan ng P1.3 milyong halaga ng shabu sa Pasig City matapos ang ikinasang buy-bust operation ng pulisya noong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Mario Bien alyas "Palos" na kumagat sa transaksiyon sa isang police asset.

Matapos magkita para sa bibilhing droga, pinalibutan agad ng mga awtoridad ang main target kasama ang 3 pang kasabwat.

"Na-surveillance namin ito nang ilang beses pero ngayon lang natuloy. [About] 200 grams of suspected shabu worth P1.3 million [ang nakuha]," sabi ni Police Col. Moises Villaceran, hepe ng Pasig police.

Huli man sa akto, todo-tanggi si Bien sa alegasyon. Ang pakilala niya, isa siyang hamak na tindero ng tinapa.

"Nag-aano ako ng dried fish na galing sa Bicol... Ano po, isda talaga [ang tinda ko]," depensa niya.

Kinilala naman ang 3 kasama ni Bien bilang sina Erwin Cruz, Ranesar Bernardo, at Sigwald Perolina. Itinanggi rin nila ang paratang ng pulisya.

Inihahanda na ang mga isasampang kaso laban sa 4 na suspek.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.