Pamilya Dormitorio nanlumo sa mga nadiskubre sa diary ng pumanaw na kadete

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 07:01 PM | Updated as of Sep 28 2019 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ibinahagi ng isang kaanak ang nilalaman ng nadiskubre nilang diary ni Philippine Military Academy (PMA) cadet 4th class Darwin Dormitorio bago ito pumanaw dahil sa hinihinalang hazing.

Setyembre 18 nang bawian ng buhay si Darwin, 20, dahil sa tinamong blunt force trauma na naging sanhi ng internal hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan.

Pero lalong nanlumo ang pamilya Dormitorio nang mabasa ang journal ni Darwin, na may petsa mula Hulyo 31 hanggang Agosto 13, 2019.

Binanggit ni Darwin ang pagtulog sa klase at ang takot niya bilang isang regular corps.

"Today I slept a lot during class. I never thought that being able to reach regular corps is very frightening even though the real thing did not start yet," sabi ng bagitong kadete.
    
May jokes din siya tungkol sa pananakit: "Anong cake ang masakit? Eh di front cake, side cake, back cake."

Nabanggit din ni Darwin na iniimbestigahan siya dahil sa nangyari sa kaniyang katawan nang una siyang maospital.

Naisulat pa ni Darwin ang sobra-sobrang parusang ibinibigay sa kanila sa maliit na pagkakamali.

Matapos mabasa ang diary, nanggagalaiti ang pamilya Dormitorio sa labis-labis na pahirap na sinapit ni Dawin. 

"Sobrang nakakagalit... Hinding-hindi po namin sila lulubayan hangga't hindi natatapos 'to," pangako ni Dexter Dormitorio, kapatid ni Darwin. 

Nakatakdang pumunta sa Baguio City ang pamilya Dormitorio para pormal na magsampa ng kaso laban sa mga suspek.    

Sa medical certificate na isinumite ng Fort del Pilar Hospital ng PMA, nakitaan na pala ng mga pasa at senyales ng pananakit si Darwin.

"Ang katanungan po namin sa kanila is were they not even a little suspicious na si cadet Dormitorio was hurt at maybe it could be the cause sa nirereklamo niyang pain," pagtataka ni Police Col. Allen Rae Co, direktor ng Baguio City police. 

Anim na ang itinuturong sangkot sa pagkamatay ni Darwin. 

ALBAYALDE TUTOL SA HAZING

Samantala, kinondena rin ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Oscar Albayalde ang nangyareng hazing kay Darwin. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Albayalde ay parte ng PMA Sinagtala Class of 1986.

Sa testimonial parade na inihanda sa kaniya ng PMA para sa kaniyang nalalapit na pagreretiro sa Nobyembre, hindi napigilan ni Albayalde na kondenahin ang nangyari sa batang kadete.

Wala umanong poder sa lipunan ang marahas na hazing. 

Hindi rin daw ito sumasalamin sa paninindigan ng PMA bilang isang institusyon.


—Ulat nina Angelo Andrade at Raffy Santos, ABS-CBN News