MAYNILA - Nagsidagsaan sa mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nais humabol sa huling 2 araw ng voter's registration para sa susunod na halalan.
Sinulit ng mga nagpaparehistro ang weekend kaya dinumog ang mga tanggapan ng Comelec nitong Sabado.
Kabilang sa mga pumunta sina Marcial Bautista na dati nang nakaboto, pati na rin ang bagong botante na si Patricia Isabel Sacdalan.
Kahit marami ang tao, mabilisan naman daw at maayos ang sistema sa tanggapan, ayon kay Bautista.
Mas mahaba naman ang pila sa mismong tanggapan ng Comelec sa Maynila.
Sa unang palapag ng tanggapan pinagparehistro ang persons with disability (PWD) gaya ni Rosario Antes, na dati nang na-stroke.
Binigyang prayoridad din sa unang palapag ang mga senior citizen gaya ni Enrique Dela Cruz na 2 dekada nang hindi nakakaboto.
Ayon kay Marijune Uriarte, Comelec officer sa 1st District ng Maynila, hanggang alas-6 ng gabi lang ang pagpaparehistro nila ng mga botante.
Sa Setyembre 30, Lunes, ang huling araw ng pagpaparehistro at gagawin na lang ito sa mga municipal at city hall.
—Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Voter's Registration, TV Patrol, Abner Mercado, registration, 2020 elections, Barangay elections, SK elections, TV Patrol Top