Karerahan ng motorsiklo sa Bulacan inireklamo ng mga residente

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 08:44 PM | Updated as of Sep 28 2019 09:37 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Inirereklamo ng mga residente sa isang lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan, ang nagkakarerahang mga motorsiko na bukod sa nakabubulahaw ay posible pa umanong maging sanhi ng aksidente.

Sa nakuha nilang CCTV footage, kitang-kita ang karerahan ng mga motorsiklo sa kahabaan ng Buckingham Drive sa Palmera Homes sa Barangay Kaypian.

Ang isang motor, nakalas pa ang tambutso na narekober na lang ng ilang residente.
    
Reklamo ng magkakapitbahay, sobrang ingay ng mga motor lalo na sa madaling araw dahil madalas umano itong ginagawa.

Ipinaabot na raw nila ang problema sa barangay pero tila wala raw nangyayari.

"Sabi ng barangay namin nagbabantay sila... Sana may nahuhuli. Wala po," hinaing ni Jonelen Dariagan, residente.

"Makakadisgrasya pa sila saka walang lisensiya ang mga 'yun, mga bata pa eh," suspetsa pa niya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City ang problema at naglatag sila ng ilang solusyon.

"Una, maglalagay ng humps. Then maglagay ng speed limit. At pangatlo mag-deputize ng barangay tanod para sa apprehension," sabi ni Nestor Quintos, traffic operation officer ng lungsod.

Ang barangay, humirit na sa awtoridad na manghuli ng mga pasaway na motorcyle driver.

"Kailangan po naming pag-ibayuhin pa ang aming pagroronda sa gabi para maiwasan ang complaint tungkol dito sa mga nagkakarera," sabi ni Vicente Robes, kagawad ng barangay.

Pero buwelta ng mga nagrereklamo, mahigit 5 taon na umano ang problema pero hindi pa rin nasasawata ang mga nambubulahaw sa kanila.

Pero noong Huwebes, ikinabit na ng city traffic management ang mga signage na 40 kph speed limit lang sa nasabing kalsada.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.