Basura mula South Korea, nakatambak pa rin sa Misamis Oriental

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 05:37 AM

Angelo Andrade, ABS-CBN News

MISAMIS ORIENTAL—Katapusan sana ng Hunyo ang itinakdang deadline para maibalik na sa South Korea ang mga basurang nakatambak sa planta ng Verde Soko sa Barangay Santa Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental.

Pero Biyernes ng umaga pa lang sinimulan ang pagkarga sa mga na-repack ng basura sa mga container van.

Aminado ang Bureau of Customs (BOC) at si Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy masyado ng napatagal ang pagpapabalik sa mga basura lalo na at walang umaako sa gastos sa pag-repack at pagbiyahe nito papunta sa pantalan.

"Hindi talaga natin kaya magbayad kasi ayaw bayaran ng Phividec [Industrial Authority], ng Pilipinas, Bureau of Customs. So I'm very grateful sa Mersk company who owns the [container] na free lahat," ani Uy.

Pero hindi pa umano magiging madali ang pagpapabalik sa 5,000 tonelada ng basura na nangangailangan din ng 5,000 sako para ma-repack ito.

Nasa 36 na sako palang ang na-repack at 3 tao lang ang gumagawa nito. Kulang din ang kanilang sako kaya nanawagan ang BOC ng mga gustong mag-donate.

Nangako si Uy na popondohan nalang niya sa kaniyang sariling pera ang kailangang sako at dagdag na tao para sa pag-repack.

"Nakita natin nagpadala sila ng tao pero sa ganitong volume hindi ito matatapos. I think I need 50 to 100 more people to work for this alone," ani Uy.

Target ng BOC na madala na ang lahat ng basura sa yarda sa Oktobre at maisakay na sa commercial vessel.

"Ang target natin the whole of October will be the time para lahat 'yan madala sa yarda at every weekend naman may barko tayo so hopefully sa barko tag-50 containers para big enough," ani John Simon, port collector ng Mindanao Container Terminal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.