8 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 09:50 AM

Isa ang cargo truck sa mga sasakyang nasangkot sa magkakahiwalay na aksidente sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Walo katao ang sugatan sa apat na magkakahiwalay na aksidente sa kalsada mula Biyernes hanggang Sabado ng madaling araw dito sa siyudad.

Sa Calle Veterans, nagsalpukan ang dalawang motorsiklo Sabado ng madaling araw. Ayon sa motoristang si Carlito Enriquez, nakahinto siya sa tabi ng daan nang biglang salpukin ng isang motorsiklo na minamaneho ni Sharief Majid.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nasugatan ang noo, braso at paa ni Majid, samantalang ilang galos lang sa paa ang tinamo ni Enriquez.

Ayon sa ilang nakakita, bago pa nangyari ang aksidente, muntikan na ring mabangga ng isang truck ang motorsiklo ni Majid.

Nag-over shoot ang kaniyang motorsiklo sa intersection at muntikan nang mahagip ng kasalubong na truck.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung ito ba ay nakainom habang nagmamaneho.

Sa Barangay Patalon naman, dalawang estudyanteng menor de edad at isang driver ng motorsiklo ang malubhang nasugatan matapos silang mabangga ng isang cargo truck, Biyernes ng umaga.

Ayon kay Major Albin Cabayacruz, hepe ng Police Station 10, papunta na sana sa Sinubong National High School ang dalawang estudyante sakay ng isang motorsiklo nang bigla silang salpukin ng cargo truck sa Sitio Malandi.

Nagkaroon umano ng mechanical problem ang truck kaya nawalan ng kontrol ang driver sa manibela hanggang sa dumeretso sa kasalubong na motorsiklo.

Kasalukuyang nagpapagaling pa sa ospital ang dalawang estudyante at driver ng motorsiklo.

Sa highway naman ng Barangay Boalan, sugatan ang isang empleyado ng city hall matapos sumalpok ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang SUV, Biyernes ng gabi.

Ayon sa driver ng SUV na si Kristle Ann Rivera, kakaliwa na sana siya papunta sa kanilang bahay nang biglang may bumangga sa likurang bahagi ng kaniyang sasakyan.

Duguan ang bibig at ulo ng driver ng motorsiklo dahil sa lakas ng pagsalpok sa SUV.

Inaalam pa ng mga pulis kung ito ba ay nakainom o nakaidlip habang nagmamaneho.

Makalipas ang ilang oras, isang aksidente naman ang nangyari sa daan ng Barangay Talon-Talon kung saan nabangga ng isang nagmomotorsiklo ang naglalakad na 37 anyos na lalaki.

Ayon sa ilang residente sa lugar, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo kaya hindi nito napansin ang biktimang si Alvin Gajilomo.

Nagtamo din ng minor injury sa katawan ang motorista matapos sumemplang sa daan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.