Trak, natumba sa kalsada sa Davao del Norte; 20 sugatan

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 10:19 PM

TALAINGOD, Davao del Norte—Dalawampu ang sugatan nang matumba ang isang trak sa Barangay Santo Niño sa bayang ito Biyernes.

Ang mga pasahero, estudyante ng Tanglaw National High School at galing sa Purok Salaran, Sitio Milyong, para sa isinagawang outreach program ng eskwelahan. 

Pabalik na ng Talaingod proper ang trak ng mangyari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng Talaingod Police, naging mas delikado ang lagay ng 60 pasahero ng trak dahil nakatayo lamang ang mga ito.

“Downhill po talaga ang daan. Tapos pakurbada. Nakatayo lang lahat,” ayon kay Police Inspector Alejandro Junaldo, ang operation officer ng Talaingod Police.

Ayon sa driver ng trak na si Carmelo Nuñez, nawalan umano ng preno ang minamanehong sasakyan.

Mariin din niyang itinanggi na mabilis ang kaniyang patakbo.

Nakauwi na ang ilan sa mga nagtamo ng minor injuries sa mga pasahero, habang nagpapagamot pa rin sa ospital ang mga biktimang nabalian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.