20 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Maynila

Ron Lopez at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 12:02 AM | Updated as of Sep 28 2018 12:34 PM

Watch more in iWantTFC
Kuha ni Eugene Roaring

(UPDATED) Aabot sa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang nasa 10 bahay sa Baseco Compound sa Maynila gabi ng Huwebes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy alas-11:20 ng gabi at agad itinaas sa ikalawang alarma.

Watch more in iWantTFC
Kuha ni Eugene Roaring

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay dahil dikit-dikit ang mga ito at gawa lamang sa kahoy, ayon sa mga rumespondeng bombero.

Dagdag pa ng mga bombero, bagaman mabilis ang kanilang pagresponde, nahirapan silang apulahin ang apoy dahil mahirap daw pasukin ang eskinita.

Wala mang naiulat na nasaktan o nasugatan sa sunog, may isa sa mga nasunugan ng bahay naman ang nagreklamo sa pananamantala umano ng mga kawatan na nagnakaw daw sa kanila sa gitna ng pangyayari.

Tinatayang nasa P70,000 ang pinsalang iniwan ng sunog.

Inaalam pa ng BFP ang pinagmulan ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.