STL operator sa Batangas, patay sa pamamaril

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 10:09 PM

BAUAN, Batangas - Patay sa pamamaril ang isang small town lottery (STL) operator sa Bauan, Batangas Miyerkoles ng madaling araw.

Pinagbabaril sa Bauan Public Market ang biktimang si Nemar de Castro, 44 taong gulang.

Ayon sa imbestigasyon, nakatambay sa kaniyang puwesto ang biktima nang lapitan ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo at binaril sa ulo.

Isinugod pa sa ospital si De Castro pero idineklara nang dead on arrival.

Nitong Huwebes, naaresto ang mga suspek na sina Francis Rosales at Rommel Jacob, na bumaril umano kay De Castro.

Napag-alaman na pinagnakawan pa umano ang biktima matapos itong barilin.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga suspek na kasalukuyang nahaharap sa kasong robbery with homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.