Pagpapalabas ng mga pro-Marcos video sa isang unibersidad sa Bacolod, binatikos

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 10:46 PM

Kuha ni Daniel Pollentes

BACOLOD CITY - Umani ng batikos ang pagpapalabas ng isang pro-Marcos documentary sa isang unibersidad sa Bacolod City. 

Kumakalat sa social media ang litratong kuha ng estudyanteng si Daniel Pollentes na may nakalagay "Justice for Marcos" na bahagi ng video na ipinalabas sa lobby ng University of Negros Occidental- Recoletos sa Bacolod City sa kasgasagan ng aniversaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21.

Nagtaka si Pollentes kung bakit ipinapalabas sa kanilang eskwelahan ang mga pro-Marcos documentary na ayon sa kanya, kuwestyonable pa kung saan nanggaling at kung sino ang may gawa ng nasabing video.

Ang External Affairs Office ng unibersidad ang nagpalabas umano ng mga video mula Setyembre 21 hanggang 26.

Tumangging magpa-interview sa harap ng camera ang director for External Affairs na si Carlos Legaspi Jr. pero sinabi niya na hindi issue para sa kanila ang pagpapalabas ng video dahil pareho nilang ipinalabas ang mga videos na pro at anti Marcos.

May 15 anti-Marcos video at 15 pro-Marcos video umano ang kanilang ipinalabas na kinuha nila sa Youtube.

Ang gusto lang umano nila na maipakita ang magkabilang panig.

Pinuntahan din ng ABS-CBN News si Father Don Besana, ang Father President ng UNO-R para malaman kung ano ang paninindigan ng unibersidad tungkol dito ngunit tumanggi siyang magpa-interview dahil wala raw siyang alam tungkol sa pagpapakita ng mga ganoong documentary.

Para naman sa estudyanteng tulad ni Pollentes, wala siyang magagawa kung ito ang paninindigan ng kanilang paaralan.

Nagtaka lang siya kung wala bang masama na ipalabas ang ganitong mga documentary sa loob mismo ng unibersidad kung saan mga estudyante ang karamihan na makakapanood nito.

Samantala, umalma rin ang National Union of Journalists of the Philippines-Bacolod chapter sa pagpapalabas ng mga nasabing bidyo sa unibersidad.

Para sa kanila, maituturing nang "historical revisionism" ang ginawang pagpapalabas ng mga bidyo, kahit na ipinapakita ang dalawang mukha ng Marcos administration.

"The justification given by the school’s external affairs office for showing what it has confirmed were 15 pro- and 15 anti-Marcos videos, all downloaded from YouTube - to “educate” people with a balanced presentation of the “pros and cons” of the dictatorship - is already, on its face, an attempt at historical revisionism," pahayag ng grupo.

Dagdag pa ng NUJP-Bacolod, mahalagang mabigyan ng konteksto at mapatunayan ang credibilidad ng mga nasabing bidyo bago ito ipalabas.

"After all, ample historical, scholarly, legal and even personal accounts exist of the plunder and gross human rights violations under Marcos’ brutal regime. We are sure UNO-R itself has ample material about that dark chapter in our history without resorting to showing, without context, “as is” videos from sources that have not been vetted for accuracy and credibility," anila.

Nananawagan rin ang grupo na solusyonan ito ng unibersidad sa lalong madaling panahon.

"UNO-R should immediately rectify this unfortunate situation, if only in their memory, although by rights, it should do so because it is an educational institution and thus, like us, should be committed to the truth," ayon sa grupo.

Humingi na ng paumanhin si Legaspi sa insidente. Ipinaliwanag rin niya na hindi opisyal na polisiya ng unibersidad ang pagpapalabas ng mga nasabing bidyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.