'Pagbaluktot sa kasaysayan, bagong hamon sa martial law victims'

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 09:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos tatlong dekada na mula nang yumao si dating Pangulong Ferdinand Marcos pero hamon naman ngayon sa mga naging biktima ng batas militar ang anila'y pagbaluktot sa kasaysayan ng mga tagasuporta ng diktador. 

Kasabay kasi ng ika-29 death anniversary ni Marcos, naglabas ng pahayag ang kaniyang mga loyalista na isinisisi sa iba ang mga karahasan noong martial law. 

"They were saying Marcos is a human rights [violator], but the fact is Marcos has no human rights violations in the Philippines," ayon kay Cherry Cobarrubias, founder ng Marcos Loyalists for God, Country and People.

(Sinasabi nila na si Marcos ay lumabag sa mga karapatang pantao pero ang totoo ay walang nilabag si Marcos.)

Pero ani dating Commission on Human Rights Chair Loretta Rosales — na naging biktima ng martial law — isa ito sa dahilan kung bakit nihihirapan silang umusad bukod pa sa tila "bakas" pa rin ng diktadurya sa bansa. 

"The reason that it is so difficult for us to move on is precisely because government doesn't work, the democratic system doesn't work... The political culture of politics of patronage and then the one-man rule—which we inherited from Mr. Marcos—up to now finds its traces in the way government is run," ayon kay Rosales. 

(Ang dahilan kung bakit mahirap makalimot ay dahil tila hindi gumagana ang mga demokratikong sistema ng gobyerno... Patuloy ang one-man rule na ating namana mula pa kay Mr. Marcos.)

Maaalalang lumikas patungo sa Hawaii si Marcos at kaniyang pamilya matapos mapatalsik sa puwesto noong 1986 dahil sa People Power. Doon na rin siya namatay dahil sa samu't saring karamdaman.

Taliwas naman ang sinabi ni Cobarrubias sa datos na nagpapakitang libo-libo ang naging biktima ng batas militar.

Katunayan, higit 11,000 biktima ang kinilala at nakatanggap ng pera mula sa $10 bilyon na nakaw na yaman na nabawi mula sa mga Marcos.

Kaya para kay kasalukuyang CHR Chairman Chito Gascon, hindi puwedeng "move on" na lang.

"Hindi pupuwede 'yung sinasabi nilang move on. Importante ay meron tayong pag-ako ng katotohanan at paghahanap ng katarungan at makatutulong kung ang pamilya Marcos ay imbes na magbigay ng alternative facts or alternative history ay umako na lang... at humingi ng kapatawaran," ani Gascon.

Nakatakda namang itayo sa University of the Philippines ang isang museo at library na kikilala sa sakripisyo ng mga biktima ng martial law.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.