Paaralan sa Zamboanga, nasunog

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 08:49 AM

ZAMBOANGA CITY - Nasunog ang isang paaralan dito sa bayan, Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Jose Fuentanilla, caretaker ng Don Gregorio Evangelista Memorial Elementary School sa barangay Santa Catalina, nagsimula ang apoy sa isang classroom sa pangalawang palapag ng paaralan.

Agad umanong kumalat ang apoy sa mga katabing classroom dahil gawa lang ito sa kahoy.

Umabot nang halos 30 minuto bago naapula ng mga bombero ang sunog na umabot din sa ikalawang alarma.

Ayon kay Superintendent Jhufel Brañanola, district fire marshall, faulty electrical wiring ang isa sa mga tinitingnan nilang sanhi ng sunog.

Luma na kasi ang school building at hindi rin napalitan ng bago ang mga lumang electrical wiring, ani Brañanola.

Sumang-ayon naman dito ang officer-in-charge ng paaralan na si Evelyn Yenko.

Ayon sa kanya, 2 linggo bago nangyari ang sunog ay muntik na ring masunog ang kanilang laboratory room dahil sa faulty electrical wiring sa isa sa mga electric fan.

Problema naman ngayon ng mga opisyal ng paaralan kung saan ilalagay ang 3 apektadong section dahil kulang na sila ng mga classroom bago pa man nangyari ang sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.