P765-M jackpot sa Ultra Lotto 6/58, tataas pa: PCSO

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 09:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inaasahang mas tataas pa ang prize money sa grand draw ng Ultra Lotto 6/58 ngayong Biyernes.

"Ang estimated jackpot po natin ay aabot ng P765-M. Maaari pa itong tumaas sa dami ng mga sasali pa sa draw mamayang gabi," sabi ni Arnel Casas, assistant general manager for gaming ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi ni Casas na ito na ang pinakamalaking jackpot sa kasaysayan ng lotto sa Pilipinas.

"Sa kasaysayan, na-breach na po yung pinakamataas nung 2010 na P741-M. Ito na po ang pinakamalaki sa history ng Philippine lotto," sabi niya.

Sakaling wala pa ring manalo sa draw Biyernes ng gabi, posibleng pumalo pa sa P800-M ang jackpot.

"Kahit kami medyo may konting nerbyos din po. First time namin ma-encounter ang ganito kalaking jackpot," ani Casas.

Sa Ultra Lotto, ang mga tumataya ay maaaring pumili ng anim na kumbinasyon mula 1 hanggang 58. 

Pero tila mahirap matyambahan ang mga kumbinasyon sa draw kung ang odds of winning ay 1:40.4 million, ani Casas, 

"Kung sinasabi na mas mabilis ka pang tamaan ng kidlat kaysa tumama ka dito pero hindi ko po mapaliwanag na libo na po ang naging milyonaryo na tumama ng jackpot natin. Kung kapalaran n'yo po ito, kapalaran n'yong tumama," paliwanag niya.

May mga haka-haka rin na umiikot na kaya walang nananalo sa draw ng Ultra Lotto ay dahil posibleng may mga pulitiko ang gagamit nito para sa pangangampanya sa darating na halalan.

"Hindi po natin maiwasan na nagkakataon ganitong time dumarating. Kung meron pong iniingatan ang PCSO, ito po yung integrity ng aming online lottery operation kasi dito po nakasalalay yung trust and confidence ng public," depensa ni Casas.

Sakaling mapatunayang may pandaraya umanong nagaganap sa lotto, tiyak si Casas na wala nang tatangkilik pa sa kanila.

Tiniyak naman niya na sumusunod ang Pilipinas sa ipinapatupad na best practices sa ibang bansa pagdating sa lotto.

Samantala, may buwis na rin ang pagkakapanalo sa lotto ayon kay Casas.

"Compliant na po tayo sa TRAIN law. Yung prizes po ngayon may tax na so less 20%," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.