Menor de edad, suspek sa pananaksak sa isang binata sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 08:15 PM

SAN NICOLAS, Ilocos Norte—Patay sa pananaksak ang isang teenager sa parking area ng isang parke sa Barangay 1 sa bayang ito pasado ala-una Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Carl James Bermudez, 18, at residente ng Barangay 46 Nalbo sa Laoag City.

Ang suspek naman ay si alias John, 17. 

Base sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang mag-dirty finger umano ang kasama ng suspek sa grupo ng bitkima. 

"Lumapit itong si Carl James kung bakit ganoon ang aksyon ng dalawa. Allegedly, at that point, nagkaroon ng fist fight doon sa grupong victim at suspek," paliwanag ni Inspector Daryl Galicia, deputy chief ng San Nicolas Police Station.

Sabi naman ng suspek, dinepensahan lang niya ang kaniyang sarili nang sugurin at pinagtulungan na umano sila.

“Noong susugod na silang lahat, nag-self-defense ako, may dala kasi akong kitchen knife," aniya.

Paliwanag din niya, hindi umano sila nag-dirty finger ng kasama niya. 

Paalis na umano sila nang bigla na lamang silang nilapitan at sinapak ng biktima.

Hindi rin umano nila kilala at pinapansin ang grupo ng biktima. 

Nagtangkang tumakas ang suspek at ang kaniyang kasama pero nahuli ito ng mga security guard sa park.

Nagtamo ng sugat sa dibdib at likod ang biktima. 

Hustisya ang hiling ng pamilya ng biktima at sana umano ay maaprubahan ang panukalang pagpapababa sa edad ng mga kailangang parusahan na sangkot sa mga krimen.

Ayon kay Galicia, menor de edad man, sasampahan pa rin ng kaukulang kaso ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.