Masama bang umasa sa swerte ng Lotto?

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 03:37 PM

MANILA - Ang labis na pag-asa sa pananalo ng milyun-milyon na salapi sa Lotto ay maaaring makasama, sabi ng isang psychiatrist Biyernes, ilang oras bago bolahin ang winning combination para sa pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng Lotto sa bansa.

Inaasahang dadagsa ang mga mananaya sa mga Lotto outlets ngayong araw upang magbakasakali na sila na ang makapag-uuwi ng hindi bababa sa P760 milyon na jackpot.

"Ang ganitong lottery ay nakakapagbigay ng pag-asa o hope na baka lang may pag-asang manalo, parang escape sa reality," sabi ng psychiatrist na si Dr. Bernadette Manalo sa isang panayam sa DZMM.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi dapat iasa sa Lotto at iba pang sugal ang pag-asenso sa buhay, paalala ng doktor.

"Ang problema lang doon ay kung ikaw ay hooked na sa ganitong gawain," sabi ni Manalo.

"Kasi akala nila easy money na sige taya lang tayo baka manalo tayo," dagdag niya.

Payo ng eksperto, hinay-hinay lang dapat sa pagtaya.

"Minsan 'yung iba kasi, 'yung buong suweldo nila binibigay na doon in the hope na manalo na sila, yun ang masama," sabi ni Manalo.

"Kung gusto mo talaga tumaya, konti lang. Wag kang aasa sa ganito lang," sabi niya.

"Kailangan hindi tayo umaasa sa faith lang o suwerte. Kailangan pinagtatrabahuhan talaga 'yun," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.