Lottery cards para sa Ultra Lotto 6/58, nagkaubusan na sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 05:57 PM

BAGUIO CITY—Nagkaubusan na ng lottery cards sa mga outlet sa lungsod na ito dahil sa dami ng tumataya sa Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Mas humaba pa ang pila sa mga lottery outlets dahil dito.

Imbes kasi na babasahin na lamang ng machine ang mga piniling numerong namarkahan sa cards, kinakailangang isa-isang i-encode ng teller ang mga napiling digits. Inirereklamo ito ng ilang mga tumataya sa lotto dahil mas napapatagal umano nito ang proseso.

Ang ilan sa mga nakipila, parte na umano ng buhay ang pagtaya sa lotto. “Tatlong beses akong tumataya, simula 1990,” ani Milton Segundo.

Habang ang iba naman, nag-umpisa lang umanong tumaya sa lotto mula nang lumaki ang jackpot. “Nagbaba-kasakali lang po. ’Pag nanalo rin tayo e ’di marami rin tayong matutulungan,” ani Ernesto Marcelo.

Ang ilan, may alagang mga numero; habang ang iba, ipinapaubaya sa machine ang pagtaya ng mga numero o kung tawagin ay “lucky pick.” “ ’Yung alaga ko kasing numero, hindi tumatama. Kaya baka 'pag sila pumili, yun ang tumama,” ani Tess.

Aabot sa 40 million ang dami ng mga kombinasyong puwedeng mabuo sa Ultra Lotto 6/58. 

Kasalukuyang nasa mahigit P760 milyon na ang jackpot sa Ultra Lotto. Ito na ang pinakamalaking jackpot sa kasaysayan ng lotto sa Pilipinas.

Sakaling wala pa ring manalo sa draw ngayong Biyernes, maaari pang umabot sa P800 milyon ang jackpot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.