Dahil wala pang desisyon ang korte: Trillanes uuwi muna

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 10:23 PM

Inanunsiyo ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes na balak na niyang umuwi sa kaniyang tahanan matapos ang higit tatlong linggong pananatili sa Senado sa harap ng bantang pag-aresto.

Ito'y matapos sabihin ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 na pinagpaliban muna nila ang paglalabas ng resolusyon sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na mag-isyu sila ng hold departure order (HDO) at alias warrant of arrest laban kay Trillanes. 

"With this order, I will now go home. I will now leave the Senate premises. But I believe we are victorious, at least for this day, Filipinos won, our country won against the evil forces of Duterte," ani Trillanes. 

(Sa kautusang ito, maaari na akong umuwi at tapusin ang pansamantalang paninirahan sa Senado. Naniniwala akong tagumpay ito para sa Pilipino laban sa kasamaan ni Duterte.)

Ang Makati RTC Branch 148 ang may hawak sa kasong kudeta laban kay Trillanes. Ang kudeta ay isang non-bailable offense o hindi maaaring piyansahan. Nag-ugat ang kaso sa 2003 Oakwood mutiny na pinangunahan ni Trillanes. 

Pinuri naman ni Trillanes ang hukom ng naturang RTC.

"Itong order of deferral na in-issue ni Judge Andres (Bartolome Soriano) ay isang liwanag sa buong kadiliman na nangyayari sa ating bansa. Kaya you can just admire people of courage and integrity and today it was personified by Judge Soriano," ayon sa Senador. 

Matatandaang nanatili sa Senado si Trillanes matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya noong 2011. 

Nauna nang sinilbihan ng arrest warrant si Trillanes noong Setyembre 25 mula sa Makati RTC Branch 150 kaugnay naman ng kaniyang kasong rebelyon, ngunit pinayagan siyang magpiyansa ng P200,000. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.