Bisperas ng voter registration deadline, dinagsa

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 09:09 PM

Watch more in iWantTFC

Dinagsa ang sari-saring opisina ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes ng mga Pinoy na humahabol at nais makilahok sa halalan sa 2019.

Kahit anong paalala, sa bisperas o sa huling araw ng voter registration pa rin umano talaga dumarating ang mga tao, ayon sa Comelec. 

Dahil dito, kaniya-kaniyang paraan ang mga opisina kung papaano mapapagaan ang sitwasyon para sa mga nakapila. 

Sa Quezon City, hindi lang mga senior citizen at persons with disability (PWD) ang may sariling linya kundi pati mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) community. 

Pero paglilinaw ng election officer doon, ngayong araw lang ang special lane para sa mga ito.

"We are just showing them now that we are prioritizing them," ani Atty. Jonalyn Sabellano, election officer.

Sa Pampanga, nayamot ang ilang nagpaparehistro dahil sa umano'y magulong sistema. 
    
Pero ayon sa isang opisyal, Hulyo pa nagbukas ang voter registration pero hindi ito alam ng karamihan. 

"Magtanong po kayo hindi nila alam kailan nag-start. Ang alam lang po ng tao kailan ang last day," hinaing ni Atty. Romel Rama, election officer. 

Sa Baguio City, gutom ang inabot ng daan-daang gustong humabol sa registration. 
    
Pero ayon sa Comelec, hindi ang kanilang sistema ang problema lalo't sapat ang dami ng kanilang mga booth. 

"[Dahil 'yan sa] procrastination, mañana habit na tinatawag. [But] we are trying to correct these, kaya nag-off site tayo sa mga mall at eskuwelahan," ani Atty. John Paul Martin ng Comelec-Baguio.

Sa Maguindanao, nagkukumahog din ang mga nais maging botante na makapagparehistro para makaboto sa plebesito ng Bangsamoro Organic Law. 

Inaasahan naman ang mas malaking buhos ng tao sa Sabado lalo't sinabi ng Comelec na wala na silang ibibigay na extension para sa pagpaparehistro.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.