Mga paddle, nakuha mula sa 'frat lib' ng Aegis Jvris

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 09:53 PM

Pinasok ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nitong Huwebes, Setyembre 28, ang fraternity library o "frat lib" ng Aegis Jvris Fraternity na iniuugnay sa pagkamatay ng University of Santo Tomas law student na si Horacio "Atio" Castillo III.

Sa fraternity library sa Sampaloc, Maynila kasi pinaniniwalaang nangyari ang hazing na ikinasawi ni Castillo.

Suot ang mga guwantes at footsocks, maingat na pinasok ng mga pulis ang loob ng frat lib.

May nakuha umanong katibayan ang mga pulis subalit tumanggi silang isapubliko ang mga ito, bukod sa mga paddle na nakunan ng litrato.

Kumuha rin ang pulisya ng body fluid samples sa lugar.

Pansamantalang kinandado ang library dahil hindi pa rin tapos ang imbestigasyong isinasagawa ng Scene of the Crime Operatives.

Patuloy na susuriin ng pulisya ang CCTV footage mula sa loob at labas ng lugar.

Kasabay nito, nakalaya na ang pangunahing suspek sa pagkasawi ni Castillo na si John Paul Solano.

Tanghali nang makuha ng mga abogado ni Solano ang release order mula sa Department of Justice (DOJ).

Naudlot ang paglaya ni Solano nitong Miyerkoles, Setyembre 27, dahil hindi nakakuha ang kaniyang kampo ng kopya ng kautusan.

Matapos ang pitong araw na pagkakapiit sa tanggapan ng MPD, nakauwi na si Solano sa kaniyang pamilya.

Si Solano ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital matapos ang hazing noong umaga ng Setyembre 17.

Pero hindi pa rin absuwelto si Solano sa mga kasong kinahaharap nito, kabilang ang murder, robbery, obstruction of justice, perjury at paglabag sa Anti-Hazing Law.

Muling iginiit ni Solano ang kaniyang pagiging inosente.

Sa Oktubre 4 at 9 naman nakatakda ang paunang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Castillo.

Tinawag na "duwag"

Sa isang pahayag, kinondena ng Philippine Association of Law Schools ang mga pumatay kay Castillo.

Tinawag silang "duwag" dahil matapos umanong gawin ang krimen ay magtatago na lang.

Base naman sa datos ng Philippine National Police, may 207 na naitalang biktima ng fraternity hazing mula 2002 hanggang Setyembre 2017.

Sa bilang na 'yan, 12 ang namatay.

Gayumpaman, marami pa rin ang naeengganyong sumali sa mga fraternity sa law school.

Ayon kay Dean Soledad Deriquito-Mawis, presidente ng Philippine Association of Law Schools, nakikita ng marami ang bentahe ng pagiging miyembro ng frat.

Kasama rito ang pagkakaroon ng koneksiyon o impluwensiya mula sa kapwa fratmen pagdating ng araw.

Pero nilinaw niyang hindi lamang ang pagsali sa frat ang makapagbibigay ng tagumpay sa isang naghahangad na maging abogado.

Ayon din kay Mawis, panahon na para busisiin ng iba't ibang law schools sa bansa ang pagtalima nila sa batas laban sa hazing.

Dagdag pa ni Mawis, panahon na para amyendahan ang batas dahil mismong ang batas din ang nagpapahintulot sa hazing basta walang pisikal na sakitan at nagpaalam ang fraternity sa eskuwelahan.

-- Ulat nina Michael Delizo, Angel Movido, Christian Esguerra, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.