Loren, dismayado sa unliquidated funds ng DSWD

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 12:08 PM

Ikinadismaya ni Sen. Loren Legarda ang kapabayaan ng mga lokal na pamahalaan na mag-liquidate ng pondong ginamit nila para sa supplemental feeding program ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Legarda, binanggit umano ni DSWD officer-in-charge, Undersecretary Emmanuel Leyco noong nakaraan na P2.9 bilyon ang pondong inilaan ng ahensiya para sa supplemental feeding program.

"Ang nagpapatupad po ng supplemental feeding ay local government so funds are downloaded to them. Hanggang natuklasan ko na P2.9 billion ang unliquidated ng ating LGUs mula sa P15 billion na iba't-ibang mga program ng DSWD all throughout the years na hindi nali-liquidate ng LGU," sabi ni Legarda sa DZMM nitong Huwebes.

Dahil dito, nanganganib na matigil ang pagpapatupad sa naturang programa at ang maaapektuhan ay ang mga batang nangangailangan ng nutrisyon.

"Imagine, kung ang LGU ay may kapabayaan o walang pakialam, ang mga bata sa lokal na pamahalaan sa distritong yun ang siyang magsa-suffer, nakakaawa," sabi ni Legarda.

Dagdag niya, "Maski gustong tulungan ng DSWD ay hindi po maaari dahil yung LGU ay hindi nag-liquidate ng dating advances. 'Yun ang predicament ngayon."

Nais malaman ng senadora mula sa DSWD kung ano pa ang pwedeng ma-liquidate. 

"Sa P2.9-B of the supplemental feeding program of the P15 billion unliquidated of all their programs ay aalamin ko ilang bata ang apektado dito. Ilan po ang nasa barangay na sinasabi kong 16,419 na pinaka-malnourished, pinakamahirap," aniya.

Humihingi rin siya ng formula kung saan maaari pang mapatupad ang program "without getting into trouble with the COA (Commission on Audit)."

Si Legarda ang chairman ng Committee of Finance ng Senado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.