Hazing suspect na si John Paul Solano, nakalaya na

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 04:25 PM | Updated as of Sep 28 2017 04:42 PM

Nakalaya na mula sa pagkakapiit sa tanggapan ng Manila Police District (MPD) si John Paul Solano, isa sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ng law freshman na si Horacio Castillo III sa hazing.

Bandang 12:50 ng hapon nang makalabas si Solano sa kaniyang detention cell matapos ang halos isang linggong pagkakakulong. Sinuri ng doktor si Solano upang kumustahin ang kaniyang pisikal na kalagayan matapos lumabas ng selda.

"Rest assured I will shed light sa stories 'pag dating ng preliminary investigations, na I will tell the truth na po," sinabi ni Solano sa isang maikling panayam.

Muli ring iginiit ni Solano ang kaniyang pagiging inosente sa pagkamatay ni Castillo.

Nauna na niyang sinabing wala siya sa initiation rites ng Aegis Jvris fraternity at ipinatawag lamang umano ng kaniyang mga "brod" nang delikado na ang lagay ni Castillo. 

Si Solano, isang medical technologist, ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital umaga ng Setyembre 17, matapos ang hazing. 

Ipinag-utos ng Department of Justice noong Miyerkoles, Setyembre 27, ang pagpapalaya kay Solano mula sa pagkakapiit.

Sa limang pahinang resolusyon, sinabing dapat pakawalan si Solano dahil kusa naman siyang sumuko at wala umanong pag-aresto na naganap.

Sa kabila ng paglaya, nahaharap pa rin si Solano sa mga reklamong murder, robbery, obstruction of justice, perjury at paglabag sa Anti-Hazing Law na isinampa sa kaniya ng MPD.

May 17 iba pang miyembro ng Aegis Jvris fraternity ang kinasuhan, kasama ang iba pang hindi nakikilala.

Sa Oktubre 4 at 9 naman nakatakda ang paunang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Castillo.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.