CCTV: Sasakyang 'nagtapon' ng bangkay sa Talisay, kuha sa video

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 01:39 PM

Talisay City, Cebu — Nakakuha ng CCTV footage ang Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkoles sa paghinto ng isang mini-SUV sa lugar kung saan itinapon ang bangkay ng babaeng kinilalang si Mae Albacin.

Ayon kay Talisay-PNP C/Supt. Jayson Villamater, iniimbestigahan pa nila kung ang puting sasakyan nga ang nagtapon sa bangkay ni Albacin.

Natagpuan si Albacin sa isang damuhan sa loob ng isang subdivision sa Barangay Lawaan 3, Talisay City nitong Martes.

Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa hita, braso at tiyan.

Ang nobyo ng biktima, pinaghahahanap na rin ng pulisya dahil itinuturing siyang suspek sa pagkamatay ni Albacin.

Kuwento ng ina ni Albacin, madalas daw mag-away ang magkasintahan at binantaan pa umano nito na papatayin niya ang nobya.

Napag-alaman din ng pulisya na ipina-blotter na rin noon ni Albacin ang nasabing suspek dahil sa pananakit nito sa kaniya.

Hindi naman pinangalanan ng mga pulis ang hinihinalang salarin.

Dagdag pa ng PNP, kailangan pang i-enhance ang kuha ng CCTV na kanilang nakita.

Kailangan pa rin umano nilang maghanap ng ibang kuha ng CCTV upang makatulong sa imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.