Binatilyo, patay nang pumutok ang ibinidang baril sa mga kaibigan

Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 04:31 PM

Patay ang isang 16-taong gulang na lalaki matapos na aksidenteng pumutok ang baril na kanyang ipinakita sa mga kaibigan, Martes ng gabi sa Talisay City.

Nakilala ang biktima na si Adam Joshua Mananquil.

Ayon sa ulat, ipinakita umano ni Mananquil ang isang kalibre .22 na pistol sa kanyang mga kaibigan habang nakatambay sa labas ng isang tindahan sa Barangay Matab-ang.

Nakaupo umano ang biktima at naka-ipit ang baril sa pagitan ng kanyang hita. Nakatutok umano ang baril sa tiyan ng biktima habang abala itong nagte-text sa kanyang cellphone. Bigla na lamang umanong nakarinig ng putok ang kanyang mga kaibigan.

Sabi ng kanyang lola sa tuhod na si Milagros Retio, humingi pa ng tulong si Mananquil sa kanyang mga kaibigan. Binawian din ng buhay ang binatilyo sa City Health Office.

Ayon kay Senior Superintendent Adonis Rosales, hepe ng Talisay City Police, wala silang nakitang indikasyon ng foul play pero isasailalim pa rin sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.

Iimbestigahan rin ng awtoridad kung saan niya nakuha ang baril. 

Ang biktima ay nasa pangangalaga ng kanyang mga lolo at lola. Wala na ang ama ng biktima na nasawi ilang araw bago ang kanyang kasal habang ang ina naman nito ay namatay noong nakaraang Abril sa isang road accident.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.