2 preso, naghukay ng lupa, nakapuga

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 10:39 PM

Hinukay ng dalawang preso ang lupa sa may bakod upang makatakas. Arianne Apatan, ABS-CBN News

Nakatakas ang dalawang preso ng North Cotabato District Jail (NCDJ) matapos maghukay ng lupa sa may perimeter fence nitong Lunes, Setyembre 24. 

Ayon kay NCDJ deputy warden Jail Senior Inspector Lucky Mer Natuela, nakatoka sa gardening activity ang dalawang preso nang tumakas. 

Kinilala ang dalawang pugante na sina Johnny Angob Ilid na nahaharap sa kasong rape at Ruben Jordan na may kasong carnapping with homicide.

“Nag-dig ng hole below the barbed wire ‘yong sa perimeter fence at the left back portion ng facility natin. Noong time na ‘yon, isa lang ang duty sa portion na ‘yon kung saan may tumakas. Na-notice na lang upon checking na kulang na [ang mga preso],” ani Natuela.

Tinatawag na "prison without wall" ang pasilidad kung saan tumakas sina Ilid at Jordan. 

Ang nasabing pasilidad ay para sa 'minor offenders', senior citizen, at may sakit na preso.

May tuberculosis at sakit sa balat ang mga pumugang preso.

Na-relieve naman sa puwesto ang warden ng NCDJ na si Superintendent Simeon Dolojo dahil sa insidente. 

Pinalitan siya ni Jail Chief Inspector Marlon Robles na dating hepe ng regional operations division ng Bureau of Jail Management and Penology-12.

Nitong Enero lamang, nagkaroon din ng jail break sa NCDJ kung saan higit 100 preso ang nakatakas. 

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.