PASAY CITY— Nayupi ang hood at kaliwang bahagi ng isang SUV matapos mabagsakan ng malaking sanga ng puno ng narra sa Barangay 92, Zone 9 sa Pasay City bandang alas-8 ng gabi nitong Martes.
Kwento ni Mart Esperanza, driver ng SUV, paparada na sana siya nang biglang naputol ang sanga ng narra at bumagsak sa kanyang sasakyan.
“Na-shock din ako tapos hindi ako makalabas sa kotse nun kasi wala akong lalabasan, totally stranded talaga. Maulan po nun, kumikidlat at kumukulog. Sobrang mahangin din po,” sabi ni Esperanza.
Maswerteng hindi siya nasugatan at nakatakbo rin agad ang isang bata na nasa gate ng paradahan nang mangyari ang insidente.
Ayon sa residente na si Allen Bunuan, hindi ito ang unang beses na may naputol na sanga ng puno sa kanilang lugar.
“Marami na rin pong nabagsakan ng sanga na rito na kotse. 1975 pa po ‘yung puno na ‘yan so luma na rin po siya. First time rin nangyari ‘yung ganun kalaking sanga,” ani Bunuan.
Nagbayanihan naman ang mga residente ng barangay upang matanggal ang bumagsak na sanga na nakaharang sa daan.
Pansamantalang nawalan ng kuryente sa lugar pero agad din namang naibalik nang maalis ang naputol na sanga.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.