PatrolPH

Mga negosyo sa Aurora sinusubukang bumangon matapos ang Karding

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2022 04:47 PM

Nagbibilad ng isda si Myrnelle Lero, residente ng barangay Dinadiawan sa Aurora. ABS-CBN News/File
Nagbibilad ng isda si Myrnelle Lero, residente ng barangay Dinadiawan sa Aurora. ABS-CBN News/File

MAYNILA - Dalawang araw matapos manalasa ang Karding ay unti-unti na ring sinusubukan ng mga residente ng Aurora na maibalik sa dati ang takbo ng kanilang buhay. 

Sa barangay Dinadiawan, abala ang ilan sa paglatag ng mga tamban na tinutuyo. Sina Myrnell Lero, sinasamantalang makapagbilad ng isda habang walang ulan. 

Nililinis naman ng mga tauhan ng Tree Sort Resort sa Dipaculao, Aurora ang kanilang lugar. 

Ayon sa resort manager na si Ruby Ann Hugo, nagdala ng malalaking alon na nag-ahon ng maraming buhangin ang bagyo. Nanghihinayang din sila sa perwisyo at peligrong dinulot ng bagyo dahil nitong Agosto lang binuksan ang resort sa publiko. 

"May [customer] kami na nagcancel din. Actually dapat nga meron kaming ngayon darating, pero hindi namin tinanggap kasi syempre, for security din po. Siguro bago mag-weekend, pwede na kaming magtatanggap ng guest ulit. Ang [pinoproblema] lang namin Sir yung kuryente," ani Hugo. 

Ang Yolly's Ihaw-Ihaw & Seafood Restaurant sa Baler, nagbukas na kahit wala pang kuryente at gumawa ng paraan para magbukas ng negosyo. 

"May generator naman kami," ayon sa cook ng restawran na si Jo Bibal. 

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang linya ng National Grid Corporation ang nagkakaproblema sapagkat wala naman umanong problema sa mga linya ng Aurora Electric Cooperative, ayon kay Aurora Gov. Christian Noveras. -- Ulat ni Jorge Carino, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.