PatrolPH

Lalaki sa Batangas dinukot ng mga sakay ng van

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2022 04:57 PM

Isa na namang kaso ng pagdukot ng mga armadong lalaki na sakay ng van ang naitala sa Batangas.

Bandang alas-8 nitong Lunes nang dukutin ng tinatayang aabot sa 5 lalaki na nakasuot ng bonnet ang 32 anyos na si Remdzen Sison.

Kalalabas lamang ng kanilang compound at naglalakad ang biktima patungo sa tindahan sa Barangay Poblacion 1, Cuenca, Batangas nang puwersahan siyang isakay sa van.

Nakuhanan pa ng video ng mga testigo ang van.

Nakuha din ang plaka nito na CTK 692.

Ayon kay PMaj. Ernie Delos Santos, hepe ng Cuenca Police, nakikipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office para makakuha ng impormasyon kung sino ang nagmamay-ari ng naturang van.

Tumakas umano ang van patungo sa direksyon ng Natunuan sa bayan ng San Jose, Batangas.

Umaapela ang kapatid ng biktima sa may nalalaman sa kinaroroonan ng kaniyang kapatid na tulungan sila.

"Malaking tulong po sa pamilya naming mabigyan kami ng kahit anong impormasyon kung saan man siya naroroon sa oras na ito," ani Emman, kapatid ng biktima.

Ayon kay Delos Santos, inaalam na nila ang lahat ng posibleng motibo sa pagdukot, kabilang na ang dating pagkakasangkot umano nito sa ilegal na droga.

"Wala naman po ako alam na kasalanan ang kapatid ko so parang awa niyo na sana po makita na namin yung kapatid namin," dagdag ni Emman, kapatid ng biktima.

Iniisa-isa na ng mga imbestigador ang mga bahay at establisimyento na may CCTV na posibleng nahagip ang pagdaan ng van ng mga dumukot sa biktima.

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.