PatrolPH

Ilang residente sa San Mateo, Rizal, hirap makauwi sa mga binahang bahay

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2022 12:14 PM

MANILA — Kahit nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Karding, kitang kita pa rin ang naging epekto ng hagupit nito sa bayan ng San Mateo, Rizal.

Sa Barangay Santa Ana, nasa 2.5 na ektarya ng taniman ng bermuda, carabao at frog grass ang nasira dahil sa baha na dala ng bagyo.

Nasira ang mga pananim na damo ni Roberto Adriano dahil sa bahang dala ng Bagyong Karding. Ito na sana ang pagkukunan niya ng kita ngayong malapit nang mag-Undas. Jose Carretero, ABS-CBN News
Nasira ang mga pananim na damo ni Roberto Adriano dahil sa bahang dala ng Bagyong Karding. Ito na sana ang pagkukunan niya ng kita ngayong malapit nang mag-Undas. Jose Carretero, ABS-CBN News

Ayon sa may-ari nitong si Roberto Adriano, natabunan ng burak ang taniman niya kaya marami ang nasira.

Pagkakakitaan sana ni Adriano ang mga damong ito dahil ino-order ang mga ito pang-landscape sa mga sementeryo lalo na't papalapit ang Undas. 

“May mapapakinabangan pa, kaunti na lang... baka wala pang mga 10 percent," aniya. 

May ilang residente ring puspusan ang paglilinis ng kalsada at mga bahay matapos mabalot ang mga ito ng makapal na putik. 

Ang ilang bahay nga, natangay ng bagyo.

Isa sa mga residenteng nakitang naglilinis ay si Jocelyn Labong. Habang naglilinis ito ng bahay niya, binilad din niya ang mga nabasang notebook at module ng anak.

Binilad ng residenteng si Jocelyn Labong ang mga notebook at module ng kanyang anak matapos bahain ng mga ito sa pananalasa ng Bagyong Karding sa San Mateo, Rizal. Jose Carretero, ABS-CBN News
Binilad ng residenteng si Jocelyn Labong ang mga notebook at module ng kanyang anak matapos bahain ng mga ito sa pananalasa ng Bagyong Karding sa San Mateo, Rizal. Jose Carretero, ABS-CBN News

“Ang hirap po mag-ipon po para pambili ng mga gamit ng mga bata so yan nga po, hindi pa kumpleto mga gamit ng mga anak ko," kuwento niya. 

Nasa 188 pamilya o 788 katao ang lumikas sa evacuation center sa Barangay Santa Ana noong manalasa ang Bagyong Karding.

Dahil dito, siksikan ang mga bakwit sa mga pinagtagpi-tagping karton at banig lang para lang makatulog. 

Ayon sa kanila, mas pinili nila na sa covered court na lang lumikas dahil mas malapit ito sa kanilang mga bahay.

Medyo siksikan na rin sa San Mateo Elementary School na isa rin sa mga evacuation center.

Isa sa mga bakwit si Beth Menor na may 18 araw pa lang na anak.

Para masiguro ang kaligtasan ng sanggol, todo paypay siya dito para hindi lamukin.

Pinagpatong-patong na karton na may sapin na kumot din ang ginawa niyang higaan ng bata.

Ngayong Martes lang umano sila babalik sa kanilang bahay.

“Lumagpas sa bubong namin ang tubig pero di naman siya nasira," kuwento ni Beth.

Ang 18-anyos naman na si Romnick Caragay, kahit maingay at siksikan sa covered court pinilit pa rin matapos ang mga requirements niya sa paaralan ngayong araw.

Uuwi na rin sila ngayong araw sa kanilang bahay.

"Medyo mahirap po kasi medyo maingay maraming tao," aniya.

Ngayong Martes ng madaling araw, isang ginang na evacuee ang dinala sa ospital dahil manganganak na ito.

Ayon sa mga residente, biglaan ang pag-apaw ng ilog noong Linggo ng gabi dahil sa Bagyong Karding.

Sa taas ng baha, bubong na nga lang daw ang nakita sa kanilang mga bahay.

Sa ngayon, inaalam pa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Mateo kung ilang bahay ang nasira sa 11 barangay na tinamaan ng baha.

Sa kabila nito, wala namang naiulat na nasaktan sa pagbabaha sa naturang lungsod.

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.