PatrolPH

Sex den para sa mga dayuhan sinalakay ng PNP; 24 nasagip

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2022 02:54 PM

MAYNILA - Sinagip ng Paranaque PNP ang nasa 24 na dayuhang babae na nagtratrabaho sa Isang sex den sa lungsod, Lunes ng gabi.

Ayon kay Paranaque Chief of Police Col. Rene Ocampo, nakatanggap sila ng tip hinggil sa kahina-hinalang operasyon sa isang lugar kung saan labas pasok umano ang mga lalaking dayuhan.

Ilang araw nilang tiniktikan ang lugar at nakumpirmang isa anila itong sex den ekslusibo para sa mga dayuhan.

Sa tulong ng Women and Children's Protection Desk ng Paranaque PNP ay isinagawa ang rescue operation.

Sampung babaeng Chinese at 14 na babaeng Vietnamese ang nasagip, at nasa kustodiya na ng Paranaque PNP. 

Nadakip din ang dalawang Chinese na sinasabing maintainer ng prostitution den.

Inaalam kung ang mga babaeng nasagip at ang mga kustomer ay nagtratrabaho bilang Philippine offshore gaming operator (POGO) workers.

Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga embahada ng mga bansang pinanggalingan ng mga biktima.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.