PatrolPH

Ilang OFW sa Iraq nais nang makauwi sa Pinas; Total deployment ban pinaaalis

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2021 01:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Humihingi ng tulong ang ilang overseas Filipino worker sa Erbil, Kurdistan Region na payagan silang makauwi ng Pilipinas at makabalik pa rin sa kanilang trabaho sa Iraq.

Ani Annie Saucelo Astillo, isang company accountant sa Erbil, umaapela rin sila sa pamahalaan na ibaba ang total deployment ban sa Iraq.

Uuwi sana ng Pilipinas si Astillo noong nakaraang taon nang ideklara ng Philippine Overseas Employment Administration ang total deployment ban noong Enero 2020 dahil sa tensiyon sa pagitan ng Iran at Amerika.

Hindi na nakabalik sa Iraq ang ilang nagbabakasyong OFW, dagdag niya.

"'Yun ang battlecry namin, sana po maibalik po talaga 'yung right po namin makauwi. Kasi kung talaga pong napakagulo dito, hindi po namin ita-take ang buhay namin para magstay dito kung magulo po," aniya sa panayam sa Teleradyo Lunes.

"Nag-stay po kami kasi ang opportunity dito ay maganda at masusuportahan namin ang aming mga pamilya sa Pilipinas," dagdag ni Astillo.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pag-aaralan umano nila na i-reinstate ang Balik-Manggagawa program.

"Pero susundin pa rin natin ang Department of Foreign Affairs kasi sila ang nakakaalam sa situation doon," aniya sa panayam sa Teleradyo.

Ani Bello, makikipagkonsulta umano siya kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. para pag-usapan ang situwasyon sa Iraq at ang kahilingan ng ilang OFW.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.