PatrolPH

DOH data nagpapakitang 'moderate risk' sa COVID-19 ang Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2021 06:48 PM

Watch more on iWantTFC

Mula sa pagiging "high risk," bumaba na sa "moderate risk" ang estado ng COVID-19 sa bansa, base sa datos ng Department of Health (DOH).

Ito ay matapos sumadsad sa -4 porsiyento ang 2-week growth rate o bilang ng nagkakasakit nitong nakaraang 2 linggo.

Nasa "moderate risk" na rin ang bed utilization ng Pilipinas subalit nanatiling "high risk" ang intensive care unit (ICU) utilization rate.

Higit 2,000 ang nabawas sa average COVID-19 cases kada araw nitong nakaraang linggo kompara noong Setyembre 13 hanggang 19.

Ayon sa DOH, sa National Capital Region (NCR) nakikita ang malaking pagbaba ng bilang ng mga nagkakasakit. Nasa -13 porsiyento na rin ang growth rate ng rehiyon.

Sa Pasay City, ramdam ang bahagyang pagbaba ng active cases o mga maysakit pa rin. Mula 855 noong Biyernes, 835 na ito ngayon.

Tuloy din ang pagbaba ng datos ng Makati, na nakikitang dahil na rin sa ginawang enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ.

"Moderate risk" na rin ang Calabarzon at Central Luzon pero nasa "high risk" pa rin ang bed at ICU utilization rate sa mga rehiyon.

Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, nananatiling maingat ang kagawaran sa pag-interpret ng mga datos.

"Over the past month we've seen our growth rates slowing down. Kaya lang nagiging maingat tayo. Hindi tayo tumitingin sa 1 o 2 metrics," ani De Guzman.

Maaaring mababa kasi umano ang datos dahil sa pagbaba rin ng COVID-19 testing output ng mga laboratoryo.

Sa datos ng DOH, lumalabas na sa lahat ng rehiyon, mas mababa ang bilang ng samples na na-test nitong nagdaang linggo, kompara sa sinundan na 7 araw. 

Nasa 10 porsiyento ang ibinaba ng testing output ng bansa, bagay na patuloy na inaalam ng DOH kung ano ang dahilan.

Hanggang ngayon, tanging mga nagpopositibo pa lang sa RT-PCR test ang nasasama sa inire-report ng DOH na bilang ng kaso kada araw.

Kahit may bahagyang pagbaba sa kabuuang datos ng bansa, hindi lahat ng rehiyon ay bumubuti ang lagay.

"Sa CAR (Cordillera Administrative Region), Baguio, Region 5 (Bicol), Davao region, Region 4B (Mimaropa), may mga nakikitang spikes na kung titignan natin ay importanteng mabigyan ng pansin," ani Prof. Jomar Rabajante ng University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team.

Ayon kay Rabajante, malaki ang ginampanan ng bakuna sa mga lugar na bumababa ang bilang ng nagkakasakit.

"Kapag kasi nabakunahan ang isang tao, hindi naman 100 percent ang efficacy ng bakuna. Puwede ka pa ring magkaroon ng virus. Pero ang kagandahan nito, mas mababa ang viral load mo, hindi ka ganoon makakahawa sa ibang tao," paliwanag niya.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.