PatrolPH

Sports, fitness centers kaniya-kaniyang pagpapatupad ng health protocol

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2020 05:07 PM

Ang pagsusuot ng face shield sa gitna ng mitts session ang "new normal" sa isang boxing gym sa Parañaque City.

Bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 pandemic, required nang magsuot ng face shield ang trainer sa naturang gym sa lahat ng oras habang face mask naman ang mga kostumer.

"Mahirap makahinga [kapag] naka-face mask, naka-face shield pero okay lang," sabi ng boxing trainer na si Royroy Somugat.

Bawal namang gumamit ng chalk sa climbing gym sa Mandaluyong.

"Importante na hindi ako magtagal kasi 'yong pasma ko lalong madagdagan kapag nagtagal ako habang walang chalk sa wall," anang climber na si Janine Dueñas.

Dapat naka-face mask din ang climber at naka-face shield ang belayer. Bawal rin umano ang pagpalit ng belayer partner.

Kaniya-kaniyang pagpapatupad ng health protocol ang ilang sports at fitness center ngayong may pandemya.

Ayon sa World Health Organization, hindi nila ipinapayo ang pagsusuot ng face mask habang nage-exercise dahil balakid ito sa paghinga at puwedeng kapitan ng mikrobyo.

Sabi naman ng Department of Trade and Industry ay dapat panatilihin ang physical distancing.

"As much as possible, ang mga maglalaro magsuot pa rin ng face mask pero kung mahihirapan sila, puwede pa rin tanggalin," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Sa isang fitness center sa Pasig, puwedeng alisin ang face mask kapag naglalaro ng badminton o basketball.

Limitado sa 2 oras ang badminton habang hanggang 4 lang ang puwede sa training drills sa basketball.

Nitong mga nakaraang buwan, ilang mga liga at atleta na ang pinayagang makapag-training basta sumusunod sa minimum health standards. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.