Ilang negosyo, paaralan apektado ng pagbagal ng internet dahil sa maintenance

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2020 03:12 PM | Updated as of Sep 27 2020 06:03 PM

Watch more in iWantTFC

Mula nang magsimula ang 5 araw na maintenance work ng PLDT at Smart nitong Sabado, tumumal ang kita ni Mhe-Ann Delizo sa kaniyang online business.

Dahil sa bagal ng internet, matagal ang pag-upload ni Delizo ng mga ibinebentang produkto sa online market, pati ang pagsagot sa mga kostumer.

"Kunyari nasagot ko na siya, biglang sasabihin ng client, 'Ay, sorry nakakuha na ako sa iba,'" ani Delizo.

Inireklamo rin ng mga kostumer ng isang internet shop sa Maynila ang bagal ng internet sa establisimyento. Isa rito si Angel Castillo na walang magawa kundi panggigilan ang keyboard.

"Medyo mabagal po, gawa nga ng nangyayari sa PLDT... nawawala 'yong website minsan," ani Michelle Mingo, staff ng computer shop.

Nauna nang nag-abiso ang PLDT na kukumpunihin nila ang isa sa ginagamit nilang international submarine cable system sa karagatang sakop ng Hong Kong.

Magsasagawa ng emergency maintenance sa cable system ang operator nitong Asia-America Gateway hanggang sa katapusan ng buwan.

Pero tiniyak ng PLDT na mayroon naman silang alternatibong cable system para magpatuloy ang serbisyo, kaya puwede pa ring magtuloy ang online business at classes.

Pinanghawakan ng De La Salle University-Senior High School ang pagtitiyak ng PLDT kaya itinuloy nila ang kanilang online classes.

Pero bibigyan naman umano ng konsiderasyon ang mga makararanas ng aberya sa koneksiyon.

Nauna na ring nag-abiso ang ilang pribadong eskuwelahan kaugnay ng mga adjustment sa pag-aaral matapos i-anunsiyo ng PLDT at Smart ang posibleng paghina ng kanilang mga serbisyo dahil sa maintenance.

Ipinauubaya na ng Department of Education sa mga eskuwelahan ang pag-adjust ng pag-aaral, depende sa mga nakikitang problema.

"Kung may usapin ng mahirap na koneksiyon sa internet... dapat ang ating mga paaralan ay nag-a-adjust para matugunan itong mga isyu na ito," ani Education Undersecretary Tonisito Umali.

Dahil dito, tambak ngayon ng mga assignment o offline schoolwork ang ilang estudyante.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABs-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.