COVID-19 cases sa Pilipinas umabot na sa 304,226

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2020 06:20 PM

Umabot na sa 304,226 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, halos 8 buwan mula nang maitala ang unang impeksiyon sa isang babaeng Chinese.

Umakyat sa naturang bilang ang dami ng kumpirmadong kaso matapos makapagtala ngayong Linggo ang Department of Health ng 2,995 na bagong kaso.

Karamihan sa mga bagong kaso ay galing sa National Capital Region, na nasa 1,065. 

Nakapagtala rin ang DOH ng 19,630 na gumaling mula sa sakit sa ilalim ng Oplan Recovery, dahilan para umabot sa 252,510 ang total recoveries.

Nadagdagan naman ng 60 ang mga namatay dahil sa sakit kaya nasa 5,344 ang death toll.

Dahil dito, nasa 46,372 pa ang active cases sa Pilipinas o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit.

Ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong Southeast Asia sa kabila ng pagpapatupad ng pinakamatagal at pinakamahigpit na lockdown sa rehiyon.

Samantala, umabot naman sa 10,438 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa mga Pilipino sa ibang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ulat ngayong Linggo ng DFA, nadagdagan ng 5 ang COVID-19 cases sa mga Pinoy abroad.

Nasa 791 Pinoy abroad na ang namatay dahil sa COVID-19 habang 6,654 ang gumaling o na-discharge na sa ospital, ayon sa kagawaran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.