Traffic sa SLEX mas titindi sa pag-arangkada ng Skyway extension project

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 06:21 PM | Updated as of Sep 27 2019 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patuloy na kalbaryo ang dinaranas ng mga motorista at commuters sa pagsalubong sa weekend ngayong Biyernes, partikular na sa South Luzon Expressway (SLEX).

Ito ay dahil umarangkada na ang proyekto doon na layong i-extend ang Skyway para hindi na dumaan ang mga motorista sa Alabang viaduct na pugad ng matinding traffic.

Noong Miyerkoles pa ay malaking sakit sa ulo na ang bumulagang traffic sa SLEX north at southbound dahil halos walang galawan ang traffic doon.

Patuloy naman ang paghingi ng paumanhin ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) dahil para naman daw sa mga motorista ang proyekto na inaasahang matatapos sa Disyembre 2020.

"Humihingi po kami ng pasensya na kaunti... Sana po mapagtulungan lang po natin ito, matiis lang po natin nang kaunti. At the end of the day, sabi nga, no pain, no gain," ani SOMCO president Manuel Bonoan.

"Kung hindi namin gagawin ito, talagang araw-araw na nating bubunuin ang up to 6 km stretch na traffic northbound at southbound... Pag nagawa 'yan, mababawasan ang travel time," dagdag niya.

Sabi ni Bonoan, bago magtapos ang Nobyembre ay bubuksan na ang isang lane na nakasara, na isa sa sa mga dahilan ng pagkakawindang-windang ng traffic.

Naglagay na ng karagdagang ambulant toll collectors sa lugar at may enforcers din.


—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.