Opisina ng online lending app na nanghihiya sinalakay; 54 timbog

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 05:10 PM | Updated as of Sep 27 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado noong Huwebes ang 54 tao na umano'y nagpapatakbo sa isang online lending app na nanghihiya sa mga nangutang.

Nag-ugat ang operasyon dahil sa sandamakmak na reklamo laban sa Mango Loan App na pinatatakbo ng Fuwei Lending Corporation sa Pasig City.

Sumbong ng mga complainant, ginipit at ipinahiya sila ng collection agents nang hindi sila nakapagbayad sa itinakdang 7 araw.

Si alyas "Jane" na umutang ng P5,000, kinaltasan na agad ng interes na P2,000 kaya P3,000 na lang ang nakarating sa kaniya.

Ang masaklap pa, unang araw pa lang pumalya si Jane, tinext at tinawagan na pala ng collection agent ang lahat ng contacts sa kaniyang cellphone.

"Sobrang nainis po ako kasi kahit 'yung doktor ko naka-receive ng text. Tapos hinarass nila 'yung company ko, sobrang nakakahiya po," hinaing ni Jane.

Si alyas "Aira" naman, naiyak dahil sa matinding trauma.

"Kasi di ba tayo, malaman lang ng kaibigan natin na may utang tayo nahihiya ka na... Iyun pa kayang malaman ng buong kamag-anakan mo, mga katrabaho mo... Sa maliit na amount, parang pati buhay mo kasama... Kaya mo lang naman nagawa 'yun kasi may immediate need ka eh," sabi ni Aira.

Ang empleyado ng Fuwei na si Melvin Doma, inuutusan pa umano ng mga among Chinese na magpanggap na pulis para sindakin ang mga may utang.

Sa imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bago ma-approve ang loan ay hihingi ng permiso ang app na ma-access ang mga contacts.

Oras na pumayag, mase-save na sa kanilang database ang lahat ng nasa phonebook maging Facebook friends ng lender.

"Nagbuo nga ng chat group itong mga biktimang more than 1,000. At accordingly, meron nang 5 nagpakamatay o nag-suicide dahil sa kahihiyan na dinulot ng pananakot at panghihiya na ginagawa ng grupong ito," sabi ni NCRPO chief Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Nasa kustodiya na ng NCRPO ang 54 na inaresto habang inaalam pa ang partisipasyon ng bawat isa. Kabilang sa mga inaresto ang general manager ng Fuwei na si Andy Yang.

Nahaharap ang mga Chinese sa paglabag ng Data Privacy Act of 2012.

Napag-alaman ring wala working permit ang mga Chinese.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.