Ginang na nagpapanggap na dentista, timbog sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 04:10 AM

MAYNILA—Kalaboso sa Caloocan City nitong Huwebes ang isang ginang na nagpapanggap na dentista.

Naaresto ang 60 anyos na suspek matapos salakayin ng mga pulis ang kaniyang klinika.

Ayon sa pulisya, ginagamit ng ginang ang mga dental equipment ng yumaong kapatid na dentista at lisensiya ng manugang na dentista rin.

Nakapagtapos sa kursong Dentistry ang suspek pero hindi siya kumuha ng licensure examination.

"At my age, mag-60 na ako, gusto ko lang lisensiya. Lahat dinedeny ako... pakuhanin mo lang ako ng board exam kung paano," aniya.

Nasa 3 taon nang nagpapanggap na dentista ang suspek hanggang sa mabuko siya ng Philippine Dental Association (PDA).

"Ito ay bawal at tanging graduate ng dentistry at lisensiyado na dentista lamang ang puwedeng manggamot ng bibig," ani PDA president Stephen Almonte.

Sasampahan ang ginang ng reklamo dahil sa paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007. 

Maaari siyang makulong ng 2 hanggang 5 taon o magbayad ng multa mula P200,000 hanggang P500,000 o pareho.

Aalamin din ng mga pulis kung may nagawang paglabag ang manugang ng suspek dahil sa pagpapagamit umano ng lisensiya nito.

"Dapat na nilang itigil 'yan," ani Police Cpl. Romnick Fabroa ng Caloocan City police.—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.