Criminology freshman sa Laguna nabiktima umano ng hazing

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 08:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Wala pa mang linaw ang kaso ng hazing ng kadeteng si Darwin Dormitori pero isa namang freshman criminology student sa Laguna ang isinugod sa ospital dahil din umano sa mga panggugulpi na pawang dahil rin sa hazing.

Panay ang iyak ng 18 anyos na si Jonathan Concordia habang naka-confine sa ospital sa Maynila.

I niinda niya ang matinding sakit ng ulo at hindi maigalaw ang mga binti na puno ng malalaking pasa.

Nakatali ang mga kamay ni Concordia dahil madalas umano siyang magwala at alisin ang mga aparato.

Nakikita ng pulisya ang malaking posibilidad na sumailalim sa hazing si Concordia.

"Iyun pong victim ay merong hematoma O pasa sa hita, meron din pong mga candle wax burns sa likod.... Iyun daw pong mga pasa ay nangggaling sa initiation ng sinalihan niyang friendship," ani Police Mst. Sgt. Enrico Gaspar ng San Pabloc City police station.

Lunes nang dalhin sa ospital sa San Pablo City si Concordia nang makaramdam ng sakit ng ulo matapos mag-gym sa loob ng Laguna State Polytechnic University (LSPU). Sinasabing nawalan pa ng malay si Concordia, na isang criminology freshman sa nasabing paaralan.

Ayon sa pamilya, mukhang nagkaroon ng diperensiya sa utak si Concordia dahil mahirap na siyang kausapin ngayon.

"Maraming puwedeng mangyari, kasi brain ang affected eh," ani Alexander Concordia, tiyuhin ng biktima.

"Sobrang sakit, sobrang bigat. Hindi kami papayag na basta-basta ganito na lang. Managot 'yung dapat managot," sabi naman ni Sarah Concordia-Castillo, tiyahin ng binatilyo.

PAG-AMIN

Umamin si Concordia sa pulisya at kaniyang pamilya na sumailalim siya sa initiation rights ng isang samahan.

Pero dahil nakapiring ang mga mata, wala raw siyang maiturong salarin kundi isang "master."

Nabuksan din ang Facebook ni Concordia kung saan mababasa ang komunikasyon ng samahan sa group chat.

Nalaman ng mga pulis na sa malayong barangay sa labas ng eskuwelahan nangyari ang initiation rights.

Nangako ang LSPU na makikipagtulungan sa imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang kanilang estudyante.

"Lahat po ng involved ay mananagot. Ako mismo ang tututok sa kasong ito... Umasa ang pamilya na kayo ay makakakuha ng hustisya," pangako ni Mario Briones, pangulo ng LSPU.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.