Bumbero, namatay sa training sa Laguna

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 11:02 AM

Isang bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFO) ang namatay sa kasagsagan ng training sa National Fire Training Institute sa Camp Vicente Lim, Calamba, Laguna, Huwebes ng umaga. 

Ayon kay Chief Inspector Jude Delos Reyes, tagapagsalita ng BFP, multiple organ failure ang ikinasawi ng 25-anyos na si FO1 Clinton Obedoza. 

Nasa barracks na ang bumbero at biglang hinimatay. Dinala siya sa Calamba Doctor's Hospital subalit namatay rin. 

Nabatid na sumasailalim si Obedoza sa mas matindi at mahirap na ropesmanship and rescue training para maging bahagi ng Special Rescue Unit ng BFP. Ito ang counterpart ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa Philippine National Police (PNP).

Itinanggi ng BFP na biktima ng hazing ang trainee. 

Dalawang taong nang bumbero sa National Capital Region si Obedoza. 

Ayon sa BFP, wala sa kanilang record na may preexisting medical condition o karamdaman si Obedoza dahil piling-pili lang ang pinapayagang pumasok sa pagsasanay na ito. 

Gayunman, iimbestigahan pa nilang lalo ang insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.