Bangkay ng lalaking nahulog sa creek, natagpuan na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 10:20 AM

Agad na ipinalibing ang bangkay ng biktima dahil naaagnas na ito nang matagpuan. Larawan mula sa Nuevenians

Natagpuan na rin ang bangkay ng lalaking may 15 araw nang nawawala matapos mahulog sa creek sa kasagsagan ng habagat sa San Fernando City, Pampanga.

Huwebes ng tanghali nang makita at maiahon ang palutang-lutang na bangkay ng 22-anyos na si Esvir Salinas. Nakilala siya ng mga kaanak dahil sa suot niyang damit.

Naaagnas na ang bangkay at kita na rin ang mga buto dahil sa may dalawang linggong pagkakababad sa tubig.

Dahil dito, nagpasya ang mga kaanak ng biktima at mga opisyal ng barangay na kaagad na itong ipalibing.

Setyembre 11 nang mahulog siya sa creek habang sinisilip ang mga alagang kalapati sa likod ng kanilang bahay sa Purok 9, Barangay San Jose Panlumacan.

Ayon sa mga kaanak, hindi marunong lumangoy ang biktima.

Nagkasa rin ng ilang araw na search and rescue operations ang city at provincial disaster risk reduction and management office pero bigo silang mahanap ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.