2 lalaking tinanggal sa dance group nanggulpi sa pisonet

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 10:17 PM | Updated as of Sep 27 2019 10:43 PM

Gulpi ang inabot ng isang lalaki sa loob ng internet cafe dahil umano sa away sa social media. Screengrab

DAVAO CITY — Isang lalaki dito ang sugatan matapos siyang gulpihin habang naglalaro sa loob ng computer shop noong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV ng establismiyento sa Barangay Mandug, kita ang pagpasok ng 2 lalaki na target palang bugbugin ang biktimang si Arnel Puno, 22.

Makaraan ang ilang minuto, natunton ng 2 suspek si Puno. Ang isa sa kanila ay hinawakan ang biktima para hindi ito makalaban.

Natigil lang ang panggugulpi nang sinita at pinalabas ng attendant ang 2 lalaki. 

Sugatan ang labi at paa ng biktima matapos ang insidente.

Ayon kay Puno, nagsimula ang alitan nang tinanggal sa kanilang dance group ang mga suspek.

Mas tumindi pa umano ang galit ng 2 dahil sa palitan nila ng kantiyaw sa social media.

Nakatakdang magharap sa barangay ang mga suspek at biktima para sa mediation.

Pero desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa mga suspek.

Matapos ang insidente, mas pinaigting naman ng barangay ang pagpapatrolya para sitahin ang gumagalang kabataan lampas sa curfew hours.

—Ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.