P1.2 milyong shabu, nasabat sa Bacolod; 2 arestado

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 07:25 PM

BACOLOD CITY—Aabot sa P1.2 milyon ang halaga ng shabu na nakompiska ng mga awtoridad mula sa isang lalaki sa lungsod na ito, Miyerkoles.

Nagpanggap ang ilang pulis na bibili ng shabu sa loob ng bahay ng suspek na si Edwin Jimena sa Barangay 2.

Nang matunugan ng suspek na pulis ang kaniyang mga katransaksiyon ay tumalon ito palabas ng isang bintana at tumakas mula sa mga awtoridad.

Nakuha mula sa bahay ni Jimena ang 22 sachet ng shabu at isang .357-Magnum revolver.

Inaresto rin ng mga pulis ang isang babae na nasa loob ng bahay ni Jimena. Nakuha mula sa babae ang 2 sachet ng shabu.

Sa isang hiwalay na operasyon kontra droga dito sa lungsod ay nakuha ng mga pulis ang P160,000 halaga ng shabu mula sa isang 26-anyos na tricycle driver.

Ayon sa mga awtoridad, ang supply ng shabu na nakuha mula sa mga operasyon ay maaaring mga stock ng droga na ibebenta sa nalalapit na Masskara Festival dito sa lungsod sa Oktubre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.