'Mga hakbang ng gobyerno kontra inflation, malapit nang maramdaman'

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 06:24 PM | Updated as of Sep 27 2018 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

Tiniyak nitong Huwebes ng Malacañang na "hindi natutulog sa pansitan" si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa isyu ng inflation o iyong bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. 

Kasabay ito ng paglabas ng isang Pulse Asia survey kung saan tumaas ang public disapproval o pagiging hindi kontento ng publiko sa mga hakbang ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malapit nang maramdaman ang mga positibong epekto ng mga hakbang ng gobyerno kontra pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

"Hindi po natutulog sa pansitan ang ating Presidente. Ang gobyernong ito ay gobyernong tapang at malasakit," sabi ni Roque sa isang press briefing.

"Kampante po kami na sisipa po ang epekto nitong mga hakbang na ginawa natin, at makikita natin — at bumababa na naman po dahil ako po talaga namamalengke ‘no. Bumaba na po substantially ang presyo ng bilihin sa palengke ngayon."

Nilagdaan ni Duterte noong Setyembre 21 ang Administrative Order 13 na layong pabilisin ang pag-angkat ng mga produktong agrikultural, na siya umanong manghihila pababa sa presyo ng mga bilihin.

Umarangkada sa 6.4 porsiyento ang inflation rate noong Agosto, ang pinakamabilis nitong pag-akyat sa halos 10 taon. 

Sa survey ng Pulsa Asia na inilabas nitong Huwebes, lumabas na inflation at mas mataas na sahod para sa mga manggagawa ang mga nangungunang isyung nais ng mga Pinoy na tugunan ng gobyerno.

Mula sa 1,800 Pinoy na lumahok sa survey noong Setyembre 1 hanggang 7, 63 porsiyento ang nagsabing nangunguna nilang "concern" o inaalala ay ang inflation.

Tumaas naman ng 22 percentage points ang public disapproval para sa mga hakbang na ginawa ng gobyerno upang tugunan ang inflation, batay sa survey.

CHARTER CHANGE

Ayon pa kay Roque, mas prayoridad ng Palasyo ang mga problemang pinakamalapit sa sikmura ng publiko kumpara sa isyu gaya ng charter change, na lumabas namang pinakamababa sa mga isyung may pakialam ang taumbayan.

Pero hindi pa rin daw inaabandona ng administrasyon ang pagnanais nitong palitan ang porma ng gobyerno.

"Everything is sidelined now. Dahil hindi naman natin inaasahan talaga iyong pagtaas bigla ng presyo ng krudo at ng petrolyo," ani Roque.

Hindi na rin muna prayoridad ang pederalismo sa Kongreso, na abala sa pagtalakay sa national budget para sa susunod na taon.

"Tingin ko naman pagkatapos ng budget ay puwedeng mapag-usapan muli ang pederalismo at puwedeng maging election issue din ang pederalismo," ani Roque.

Ang pagbabago sa porma ng gobyerno sa pederalismo ay isa sa mga pangako ni Duterte nang siya'y mangampanya sa pagkapangulo noong 2016 halalan.

Layon ni Duterte na paunlarin at palakasin ang mga rehiyon para hindi nakadepende ang mga ito sa national government. 

--Ulat nina Pia Gutierrez at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.