Makati court, wala pang desisyon sa kasong rebelyon vs Trillanes

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 08:40 PM | Updated as of Sep 27 2018 09:54 PM

Watch more in iWantTFC

Bagaman hindi tiyak ang araw o maging ang posibilidad ng paglalabas ng arrest warrant at hold departure order (HDO) ng isang korte sa Makati laban sa kanya, handa raw si Senador Antonio Trillanes IV na madakip. 

Walang inilabas na warrant o HDO si Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 Judge Andres Soriano nitong Huwebes. Sabi niya ay susuriin muna ng korte ang mga dokumentong isinumite ng Department of Justice (DOJ) at ni Trillanes, na nahaharap sa kasong coup détat dahil sa 2003 Oakwood mutiny. 

“Bawat staff member, binibigyan ko na ng instruction. Even my family last night, binilin ko na 'yan. You expect for the worst,” aniya. 

Nang marinig ang balita na wala pang desisyon ang korte, naglabas muna ng naempakeng gamit ang senador. 

Samantala, kinuwestiyon ng abogado ni Trillanes na si Pacifico Agabin ang pagbaligtad ng desisyon sa kasong rebelyon na nakahain sa isa pang korte sa Makati. Nitong Martes, Setyembre 26, ay naglabas ng arrest warrant at HDO laban kay Trillanes ang Makati RTC Branch 150 dahil sa kasong rebelyon, na pinawalangbisa na rin ito noon. Ang kaso ay para sa 2007 Manila Peninsula siege. 

"The same judge, has already dismissed the case on the basis of the same documents presented 7 years before. It's surprising how the judge reasoned out he's reversing himself,” sabi ni Agabin. 
 
Sa halip na maghain ng “urgent motion” sa Korte Suprema, kung saan kinukuwestiyon ni Trillanes ang pagpapawalangbisa sa amnestiya sa kanya, maghahain na lamang ng motion for reconsideration si Trillanes sa Makati RTC Branch 150. 

Nakapagpiyansa si Trillanes noong Martes sa halagang P200,000 para sa kasong rebelyon sa Branch 150. Non-bailable naman ang kasong coup détat na nakasalang sa Makati RTC Branch 148. 

Iginiit naman ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nagkamali ang hukom sa paghawak ng kaso ni Trillanes. 

“Mali 'yung kanyang pag-appreciate at pag-weigh ng evidence that was presented. Shinift niya ang burden of proof to someone who has all the hallmarks of a valid order that has been given to him,” aniya. 

Calida, nais sampahan ng kasong libel si Trillanes 

Mariin namang itinanggi ni Solicitor General Jose Calida na ninakaw niya ang amnesty application ni Trillanes. Ito ang dokumentong dapat daw ay magpapakita na nag-apply nga ng amnestiya si Trillanes para mapatawad ng estado. 

"Unless Mr. Trillanes expresses his sincere apology for calling me a thief, I shall be constrained to file a criminal case for libel plus damages against him,” sabi ni Calida sa isang pahayag. 

Nagbanta si Calida na sasampahan niya ng kasong libel si Trillanes kung hindi ito hihingi ng paumanhin sa paratang sa kanya. 

Pero buwelta ni Trillanes, walang sa posisyon si Calida na magdemanda ng kung ano man. 

"Alam niya 'yung katotohanan,” sabi ni Trillanes. 

Nilagdaan nitong Setyembre ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 572 na nagpapawalangbisa sa amnestiya ng senador mula sa nakaraang administrasyon. 

Giit ni Duterte, hindi epektibo sa simula pa lang ang amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes dahil hindi nito nasunod ang mga batayang rekisitos ng amnestiya.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.