Libu-libong residente sa Mt. Arayat, pinalilikas dahil sa banta ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 01:14 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pinaghahandaang ilikas ang may higit sa 5,000 residente na nakatira sa paanan ng Mt. Arayat sa Pampanga dahil sa banta na gumuho ang malalaking bato kapag may malakas na pag-ulan.

Sinimulan ng lokal na pamahalaan ang planong relokasyon ng mga residente ng Purok 6, 7, at Barangay San Juan Baño matapos irekomenda ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ilagay sa state of imminent danger ang mga nabanggit na lugar.

Batay sa latest geohazard assessment sa Mt. Arayat, posibleng matangay ng debris ang malalaking bato na na-displaced sa landslide noong Setyembre 26, 2009 dahilan na rin sa matitinding pag-ulan sa mga nakalipas na taon.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Arayat Mayor Emmanuel Alejandrino na noong 2014 ay may ikinasang programa ang MGB at Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa nakaambang panganib ng pagguho ng bahagi ng Mt. Arayat pero hindi natuloy ang programa at nakabinbin pa rin hanggang ngayon.

“Nang magkaroon ng landslide sa mga lugar-lugar, naalala nila ang lugar namin dahil nanganganib,” sabi ni Alejandrino.

Nagtayo na lamang ang lokal na pamahalaan gn evacuation center sa likod ng munisipyo. Ginagamit din bilang evacuation site ang isang pavilion sa national park tuwing maglilikas ng mga residente dahil sa banta ng pagguho.

“Ang papel namin kapag umuulan, monitoring. Kapag malakas ang ulan, evacuation kami. Iyan ang ginagawa ng lokal na pamahalaan,” banggit niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.