Isang Japan Maritime Self-Defense Force ship na dumaong sa Maynila noong Abril. Nitong Huwebes, dumaong sa pantalan ng Maynila ang isa na namang barkong Hapon, ang Akebono, para sa 3 araw na goodwill visit dito sa bansa. File/Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MANILA—Dumaong sa pantalan ng Maynila, Huwebes ang Japanese Ship Akebono para sa 3 araw na goodwill visit dito sa bansa.
Ang JS Akebono, isa sa 10 Murasame Class Destroyer ng Japan Maritime Self-Defense Force, ay may kakayahang magpabagsak ng mga sasakyang panghimpapawid, mga submarine at mga barko gamit ang missiles at mga automatic machine gun.
May kakayahan din itong magsakay ng 2 helicopter.
Bago dumaong sa Pilipinas, galing ang JS Akebono sa 5 buwan na paglibot sa Gulf of Aden bilang bahagi ng Multinational Naval Task Force Against Piracy.
"They heeded a distress call from a commercial vessel and they were able to send one of their helicopters to pick up the injured Filipino sailor," sabi ni Cdr. Jonathan Zata, direktor ng Public Affairs Office ng Philippine Navy.
Nakatakdang lumahok ang mga sakay ng JS Akebono sa ilang goodwill games tulad ng basketball, volleyball at football dito sa bansa kasama ang ilang Pilipinong sundalo.
Ito na ang ika-6 na beses na dumaong ang isang Japanese ship sa bansa para sa isang goodwill visit.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.