Estudyante, inatrasan ng jeep dahil sa alitan sa pamasahe

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 02:04 PM | Updated as of Sep 27 2018 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tututukan ng awtoridad ang insidente ng pananagasa ng isang pampasaherong jeepney sa estudyanteng nakaalitan nito dahil lamang sa pamasahe.

Ayon kay Marife Olaguer, ina ng 19 anyos na si Marvin Agustin, madaling araw ng Setyembre 20 nang maganap ang insidente.

Sumakay ng jeep ang kaniyang anak at kaklase nito sa Bagong Silang, Caloocan papuntang Quiapo, Maynila.

"Pagsakay pa lang po nila nagbayad na po sila. Tapos nu'ng nasa bandang Quiapo po, napahinto po, parang nagtalo po, sinisingil daw po ulit sila," sabi ni Olaguer.

Sa CCTV na nakahagip sa insidente, makikitang bumaba ang dalawang lalaki sa jeep sa may tapat ng Quiapo Church.

Tila nakikipagtalo pa sila sa driver hanggang sa biglang umatras nang mabilis ang driver at sinasagasan nito ang isa sa mga estudyante bago tumakas.

Bahagi ng ulo ng biktima ang matinding natamaan pero maayos na umano ang kalagayan nito, ayon sa kaniyang ina. Kinailangan ding tahiin ang tenga ng biktima. 

Hindi naman naplakahan ng kaklase ng biktima ang jeep. Wala ring ibang sakay ito nang maganap ang insidente.

Aminado si Olaguer na nakainom ang kaniyang anak na galing sa isang pagdiriwang. Ayon din sa kaklase nito ay nagalit ang drayber dahil hindi sila agad nagbayad ng pasahe. 

Sa programang Lingkod Kapamilya sa DZMM, inilapit ang kaso ni Agustin kay National Capital Region Police Office Chief Guillermo Eleazar para agad na maaksiyonan.

"We can backtrack sa other CCTV in the area base doon sa oras para makakuha tayo ng pagkakakilanlan nitong sasakyan at malaman kung sino may-ari at sino po responsable sa pananagasa," sabi ni Eleazar.

Hiniling din ni Eleazar sa iba pang posibleng nakasaksi sa insidente o maaring makapagbigay ng impormasyon hinggil sa kaso na makipag-ugnayan sa pulisya.

Maaari ring sampahan ng frustrated homicide ang drayber. 

-- May ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.