'Balik-manggagawa,' di na sakop ng Micronesia deployment ban

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 02:52 PM | Updated as of Sep 27 2018 07:15 PM

Papayagan nang makabalik ng Micronesia ang mga "balik-manggagawa" o iyong overseas Filipino workers na may aktibo pang kontrata roon at nakabakasyon lang sa bansa, sabi nitong Huwebes ng opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ito ay matapos umalma ang ilang OFW na tinamaan ng deployment ban o pagbabawal sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Micronesia. 

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, mga "balik-manggagawa" lang ang exempted sa ban bunsod na rin ng rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ibig sabihin, bawal pa ring ipadala sa Micronesia ang mga bagong tanggap sa trabaho.

Naunang sinabi sa press conference nitong Huwebes ni Labor Secretary Silvestre Bello III na aalisin na ng gobyerno ang deployment ban pero binigyang linaw ito ni Olalia ilang oras matapos ang conference. 

Ipinatupad ng Pilipinas ang deployment ban noong Setyembre 4 dahil sa ulat na hindi nasusuwelduhan ang ilang Pinoy sa isang public hospital sa naturang bansa.

Idinaing naman ng ibang Pinoy ang ban at sinabing hindi na dapat sila lahat dinamay, lalo at marami ang ilang dekada nang nagtatrabaho sa Micronesia.

Nagdaos din ng protesta ang komunidad ng mga Filipino sa Micronesia para iapela ang deployment ban. Nagpadala rin sila ng mga sulat sa Malacañang, Department of Labor and Employment at DFA.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.