Dating tanod, patay sa pamamaril sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 05:29 AM

MAYNILA - Patay ang isang dating barangay tanod matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Baclaran, Parañaque City Huwebes ng madaling-araw.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo, dibdib, at tiyan si Jose Biona.

Sa paunang ulat ng Parañaque City police, nakaupo lang sa gilid ng kapilya sa Sitio Maligaya ang 51-anyos na biktima nang pagbabarilin.

Dinala sa ospital si Biona, pero hindi na ito umabot ng buhay.

Wala namang nakakilala sa 2 lalaking naka-motorsiklo na wala ring plaka.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril.

Palaisipan pa sa pulisya ang motibo sa pamamaslang. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.