Bus driver, arestado sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 05:14 AM

Ayon sa pulisya, suma-sideline umano sa pagtutulak ang 39-anyos na suspek. Lyza Aquino, ABS-CBN News

MAYNILA - Arestado ang isang bus driver sa buy-bust operation sa Quezon City.

Ayon sa pulisya, suma-sideline umano sa pagtutulak ang 39-anyos na suspek.

Pinabulaanan naman ng suspek na nagbebenta siya ng ilegal na droga. Gumagamit lang umano siya.

"Kung ang driver naman ay isang gumagamit ay matatakot ka talaga kasi medyo problema 'yan," ani Supt. Louise Benjie Tremor, station commander ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10.

Ayon sa suspek, balak niya sanang sumuko na sa barangay.

"Kahapon lang po ako gumamit... Napa-barkada lang, nayaya," depensa niya.

Paalala naman ng mga pulis na huwag mangambang magsumbong kung kaduda-duda ang estilo ng pagmamaneho ng isang drayber.

"Puwede niyo i-report sa operator o mag-text sa hotline ng PNP," ani Tremor.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.